Tangkilikin ang aming mahigit sa isang daan at limampung taong napakasarap na tradisyon – ang kasaysayan ng „Orihinal na Spiessbraten ng Idar-Oberstein.“
Sa kaalaman ng nakararami, ang Idar-Oberstein ay kilala sa mga mamahaling bato at alahas na matatagpuan sa maraming tindahan. Tunay na mapang-akit ang mga ito at hindi kataka-taka na sa iyong pamamasyal ay makakahanap ka ng isang bagay na ayon sa iyong panlasa at pitaka. Bukod pa rito, kilala rin ang lugar na ito sa kanilang espesyal na paraan ng pagihaw ng karne sa ibabaw ng nakalantad na pugon. Ito ay isang kaugalian na nagsimula mahigit isang daang taon na ang nakararaan. Maniwala ka man o sa hindi, ang dalawang tampok na ito ay magkaugnay. Ito ang kwento kung paano ito nagsimula:
Noong ika-18 siglo nang nagkakaubusan ng mga “agate deposit” at hindi na kayang sustentuhan ang lokal na industriya, kasabay ng pagbaba ng kalidad ng mga bato, ay nagkaroon ng malawakang paglipat. Ang mga tagagiling, kasama ng mga balisang magsasaka mula sa kabundukan ng Hunsrück, ay naglakbay patungong Timog Amerika upang maghanap ng bagong paraan ng hanapbuhay. Karamihan sa kanila ay nagtrabaho bilang mga manlalakbay na musikero. Hindi nagtagal ay natuklasan nilang mayroong mga dekalidad na batong agate na matatagpuan kahit saan – sa mga tabing-ilog, sa kabundukan ng Sierra, lalung-lalo na sa Brazil. Kinuha nila ang mga batong ito at agad na ipinadala sa kanilang bayan. Sa mga panahong ito marahil ay una nilang naranasan ang paraan ng mga Gouchos mula Timog Amerika na pag-ihaw ng karne sa isang lantad na pugon. Ginaya nila ito at kalaunan ay naging kilala ito sa Idar-Oberstein.
Sa simula, ang „Spießbraten“ ay para lamang sa mga tagagiling at kanilang pamiliya sa Idar-Oberstein, ngunit dahil sa kasikatan nito ay kumalat ito pati sa timog-kanlurang bahagi ng Alemanya at higit pa. Sa likod ng halos bawat bahay sa Idar-Oberstein ngayon ay makakakita ka ng isang lugar kung saan itong espesyal na karne ay iniihaw sa pamamagitan ng tuyong kahoy na Beech sa isang grill, skewers o tindagan. Maaring gamitin sa pagluto ang karne ng baka o baboy. Huwag nang pagtalunan kung ano ang mas masarap! Halika at iyong subukan! Siguradong hindi mo ito palalampasin kapag naamoy mo ang bango nito habang niluluto.
Kung maisip mong subukan itong napakasarap naming tradisyon, buong-puso naming ibinabahagi ang aming paraan ng pagluluto. Mukha bang matrabaho? Kung ganoon, mayroon kaming napakagandang solusyon… bumisita sa aming restawran, ang ZUM ALTEN GOTEN, at hangga’t maari ay maging aming panauhin nang madalas.
©The History of Spiessbraten, Zum Alten Goten. Isinalin sa Filipino ni: Ma. Elissa Valino, Abril 2014